Nasawi ang isang 23-anyos na motorcycle rider matapos siyang masagasaan ng 18-wheeler truck sa Cainta, Rizal noong Martes ng umaga. Ang biktima, working student at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si James Brian Borbe,  residente ng Bingonan, Rizal

Napag-alaman na 1st year psychology student si Borbe at nagtatrabaho bilang call center agent.

Ayon sa pulisya, nagtangka umano si Borbe na mag-overtake sa truck pero may nakasalubong itong sasakyan.

Babalik umano sa dating linya ang motorsiklo na minamaneho ng biktima pero doon na siya nasagi at nagulungan ng truck na agad na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Ayon sa ina ni Borbe, pauwi na ang kaniyang anak galing sa trabaho nang mangyari ang trahedya.

"Napakatinong bata po kaya grabeng panghihinayang namin. Hindi ko lubos akalain na ganoong kabilis, napakalusog ng anak ko," pahayag ng ginang.

Sinabi naman ng driver ng truck na hindi niya napansin ang motorsiklo hanggang sa makita na lang niya sa side mirror na nakatumba na sa kalsada ang biktima.

Humingi siya ng tawad sa pamilya ng biktima.

Inaresto at idinetine ang driver pero pinalaya rin kinalaunan matapos na makausap ang pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News