Nasawi ang isang rider matapos masagi umano ng truck ang kaniyang motorsiklo at magulungan ang biktima sa Davao City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Davao-Cotabato Highway sa bahagi ng Barangay Binugao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, magkasabay ng tinatahak ng 58-anyos na rider at 48-anyos na truck driver ang direksyon na patungo sa Barangay Inawayan.

Nasa inner lane umano ng highway ang truck at nasa gitna naman ang motorsiklo. Pagdating sa lugar kung saan naganap ang trahediya, nasagi ng truck ang motorsiklo at natumba ang rider na dahilan para siya masagasaan.

Nasa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng truck na hindi pa nagbibigay ng pahayag.

Posible siyang maharap sa reklamong face charges for reckless imprudence resulting in homicide and damage to property. --FRJ, GMA Integrated News