Patay na at may saksak nang matagpuan ang walang saplot na bangkay ng isang 18-anyos na babae sa inuupahan niyang bahay sa San Carlos Heights sa Baguio City.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing mula sa Ifugao ang biktima at nagtatrabaho bilang customer care assistant sa isang bar sa lungsod.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," kinilala ang biktima na si Kacey Gabriel Labayen.

Walang saplot at may saksak sa leeg ang biktima nang makita ang kaniyang bangkay noong Biyernes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nag-alala ang kaibigan ng biktima nang hindi ito sumasagot sa mga tawag at text.

Kaya pinuntahan ng kaibigan ang inuupuhang bahay ng biktima at doon na nakita ang duguan niyang bangkay.

"Mayroon na tayong na-identify na person of interest at ini-establish po natin 'yung link para masabi natin na 'yon 'yung suspek," sabi ni Police Major Harriet Bulcio, spokesperson ng Baguio City Police Office.

Nawawala umano ang cellphone at ibang gamit ng biktima sa bahay.

"May mga ebidensiya na natagpuan sa crime scene, at hinihintay pa natin 'yung autopsy report," dagdag ni Bulcio.

Sinusuri na rin ng pulisya ang mga closed circuit television (CCTV) footage sa barangay na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Nakikipagtulungan din ang Baguio City police sa Cybercrime Unit bilang bahagi ng imbestigasyon.

"Possible na kilala niya ‘yung suspek. May nakuha tayong conversation nila sa social media," ani Bulcio.
Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima.--FRJ, GMA Integrated News