Patay ang driver ng van matapos sumalpok sa kasalubong na truck sa Mangaldan, Pangasinan nitong madaling araw ng Martes.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nahuli-cam ang insidente sa bahagi ng highway sa Barangay Bantayan sa Mangaldan dakong 3:00 a.m.

Mabilis umano ang takbo ng van nang mangyari ang banggaan at nayupi ang harapang bahagi nito.

"Ýung sasakyan na van, traversing siya along national highway sa Barangay Bantayan, Mangaldan papuntang San Fabian. Tapos ‘yung truck galing San Fabian papunta dito sa bayan ng Mangaldan. Sa may Barangay Bantayan, nagsalpukan na sila doon," ayon kay Police Captain Jerome Marquez, Deputy Chief ng Mangaldan Police Station.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, at posibleng kasuhan ang driver ng truck na walang ibinibigay na pahayag.--FRJ, GMA Integrated News