Sampung taon makaraang magbalik si Iya Villania bilang Kapuso, muli siyang pumirma ng kontrata sa GMA Network nitong Martes.

Present sa contract signing sina Vice President for Musical Variety, Specials and Alternative Productions for Entertainment Group Ms. Gigi Santiago-Lara; GMA Integrated News, Regional TV, and Synergy Senior Vice President and Head Oliver Victor B. Amoroso; si Iya at ang manager niyang si Boy Abunda.

“I really want to thank GMA for the honor because it really is a blessing to be able to not just do what I love to do, but to be able to do it while being a mother, while being pregnant,” pahayag ni Iya.

Hangad din ni Iya, na buntis sa ika-limang anak nila ni Drew Arrellano, na patuloy siyang makabigay ng saya at inspirasyon sa mga tao.

“GMA, thank you so much. The honor is mine that I’m still a Kapuso,” sabi ng Chika Minute host.

Taong 2014 nang magbalik bilang Kapuso si Iya at pumirma ng kontrata sa GMA. Muli siyang nag-renew ng kontrata noong 2019.

Bukod sa “Chika Minute,” nagkaroon din ng iba pang show si Iya gaya ng dating talk show na "Mars."— FRJ, GMA Integrated News