Nasawi ang isang punong barangay at ang kaniyang anak matapos silang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa San Juan, Ilocos Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen nitong Lunes ng gabi dakong 7:00 p.m.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauuwi na ang mag-ama na sina Bello Valorozo, 52-anyos, punong barangay ng Caronoan, at anak niyang si Jumar, 24-anyos, sakay ng kanilang sasakyan nang pagbabarilin sila sa Barangay Lapting.

Nagtamo ng mga tama ng bala ang mag-ama na hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Nakatakas naman ang dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy ang imbestigasyon at pagtugis ng mga pulis sa mga suspek.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima. --FRJ, GMA Integrated News