Bagaman bahagyang nabawasan ang mga marahas na krimen sa Amerika noong 2023, pinaniniwalaan naman na tumaas ang insidente ng hate crimes, batay sa taunang ulat na inilabas ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Batay sa datos ng FBI, nabawasan ng 3% ang marahas na krimen sa Amerika, ang pinakamataas na pagbaba sa nakalipas na 20 taon.
Ayon sa FBI, bumaba ang insidente ng pagpatay at non-negligent manslaughter sa 11.6%, habang 9.4% naman ang nabawas sa mga insidente ng panggagahasa.
Sa isang pahayag, pinuri ni President Joe Biden, ang pagbaba ng krimen, na sinasabing bunga ng mga programa ng pamahalaan sa public safety at executive actions sa paggamit ng baril.
Sa simula nitong taon, sinilip ng Pew Research Center ang mga insidente ng krimen sa Amerika, sa dalawang grupo ng datos mula sa Department of Justice.
Lumitaw na bumaba ang violent crime sa US ng 49% sa pagitan ng 1993 at 2022. Pero tumaas ang violent crime noong panahon ng pandemic, partikular ang kaso ng pagpatay.
Tumaas naman ang insidente ng hate crimes ng 2% sa 11,862 mula sa 11,634, ayon sa ulat ng FBI.
Sa nakalipas na mga taon, nakikita umano ang pagtaas hate crimes sa Amerika, na umangat ng 11.6% sa 2021 mula noong 2020. Pinakamarami sa insidente ay Itim (black people) ang biktima.
Dagdag ng FBI official, mas dumami ang awtoridad na nag-uulat ng hate crimes data sa FBI noong 2023 kumpara noong 2022, pero may pagdududa na: "This may not reflect the true direction of hate crime."
Sa paniniwala ng opisyal, kung pagbabatayan ang adjustment sa year-to-year fluctuations at mga datos mula sa iba't ibang ahensiya na mas maayos umano ang pag-uulat, posibleng mababa ng 1% ang hate crimes mula sa 10,687 ng 2022 sa 10,627 ng 2023.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News