Isang dating opisyal sa Duterte administration ang naghain ng disbarment complaint sa Korte Suprema laban kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
Ayon kay Atty. Melvin Matibag, nagsilbing acting Cabinet secretary sa Duterte administration, ang reklamong inihain niya laban kay Roque ay dahil sa ipinost nito sa social media.
“We filed this disbarment case as an officer of the court. Alam ninyo kaming mga lawyer, we are given the privilege to practice the law pero (it has) corresponding responsibilities,” pahayag ni Matibag sa ambush interview.
Ayon kay Matibag, nag-post umano si Roque sa social media ng "deep fake" video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapahiwatig na gumagamit ito ng ilegal na droga na nag-viral noong Hulyo.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na sumuri sa video na hindi si Marcos ang lalaki.
“It’s been established that that’s fake news, fake evidence so tingnan natin how the Supreme Court will appreciate it as a lawyer being the one who is posting it,” pahayag ni Matibag.
Gayunman, hindi na tinalakay ni Matibag ang kabuuan ng reklamo niya laban kay Roque dahil umano sa "subjudice" rule.
Sa Facebook post, tinawag ni Roque na “desperate act of attention” ang reklamo ni Matibag.
“We have to understand that the posting of the video in social media is protected by free speech under the privileged doctrine. It involves a serious disease of a President that deserves an admission or denial. PBBM has not done either,” ani Roque.
Iginiit niya na isang usapin ng national security ang video.
Ayon kay Roque, ang naturang video ang dahilan kaya pinag-iinitan umano siya ng Quad Committee sa Kamara de Representantes.
Hindi rin umano dapat isinasapubliko ang disbarment complaints, dagdag niya.
Hinahanap ngayon ng mga awtoridad si Roque para isilbi sa kaniya ang arrest warrant matapos na i-contempt ng komite dahil sa pagtanggi na isumite sa mga mambabatas ang mga dokumento na nagpapatunay ng paglago ng yaman ng kaniyang pamilya.
Sa mga naunang panayaman, ipinaliwanag ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers, over-all chairman ng Quad Committee, na nais ng mga mambabatas na matiyak na hindi nagmula sa ilegal na operasyon ng POGO ang bigla umanong paglabo ng ari-arian ni Roque.
Naghain na ng petisyon ang kampo ni Roque sa SC para pawalang-bisa ang arrest order laban sa kaniya ng komite.
BASAHIN: Harry Roque files petition for writ of amparo before SC
Si Matibag ang dating pinuno ng National Transmission Corporation sa panahon ng Duterte administration. Itinalaga rin siyang acting Cabinet secretary noong 2022.
Dati rin siyang secretary general ng PDP-Laban, at nagbitiw sa posisyon noong October 2023.—mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News