Pagkaraan ni Rochelle Pangilinan, si Mikoy Morales naman ang inulan ng papuri ng mga manonood ng "Pulang Araw" dahil sa husay ng kaniyang pagganap bilang si "Tasyo," na isinalang sa torture scene kasama si Alden Richards.
Sa naturang episode ng historical drama series ng GMA, pinahirapan ni Japanese Colonel Yuta Saitoh (Dennis Trillo), ang mga karakter nina Alden at Mikoy para malaman kung nasaan ang amang Amerikanong sundalo ni Eduardo (Alden).
Sa ipinakitang akting ni Mikoy, madadama ang sakit nang itusok kunwari ng sundalong Hapon ang karayom sa ilalim ng kuko ni Tasyo.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nilinaw ni Mikoy na first time lang niyang gumawa ng torture scene.
"Kilabot sa akin to learn about it, yung scene and all these things that happened before and bringing it back to life. So medyo iba yung dating sa akin," ayon sa aktor.
Ipinaliwanag din ni Mikoy kung papaano nila ginawa ang eksena na ginamitan ng finger prosthetics.
"Parang may dinadag na finger 'yun eh, so when they put it in the nail, hindi pumapasok sa kuko ko 'yun pero nararamdaman ko pa rin siya," saad ng aktor.
"It helps that I see it, but it also helps na nasa room si Alden (Richards) saka si Sir Dennis," dagdag ni Mikoy.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na ipinakita ni Mikoy ang kaniyang husay sa pag-arte. Katunayan, itinanghal siyang Best Actor sa Cinemalaya Film Festival noong nakaraang taon para sa pelikulang "Tether."
Gabi-gabi na napapanood ang "Pulang Araw" pagkatapos ng GMA News 24 Oras, at ipinapalabas din sa Netflix.—FRJ, GMA Integrated News