Wasak na nang mamataan ng mga residente ang ilang nitso sa isang sementeryo sa Kibawe, Bukidnon. Ang mga buto sa tuhod ng mga bangkay, ninakaw umano para gawing agimat.

Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing agad iniulat ng mga residente ang insidente sa pulisya.

"Actually, ang kanilang paniniwala ay 'yung buto ng tuhod ay gagawin umanong agimat. Ginagamit umano 'yan sa paggawa ng agimat," sabi ni Police Major Joann Navarro, spokesperson ng PRO-10.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad, na nanawagan na makipagtulungan sa mga may impormasyon.

"Ang tingnan natin siguro dito ay ang pagsira sa mga nitso kasi puwedeng malicious mischief at ginawang pag-disrespect o pag-desecrate sa isang bangkay, puwedeng paglabag ito sa [Article 309] ng Civil Code natin," sabi ni Navarro. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News