Patay ang isang babae matapos malapitang baril sa ulo ng dalawang salarin sa Cebu City nitong Martes. Ang biktima, nakaupo sa eskinita at naglalaro sa kaniyang cellphone nang lapitan ng mga salarin at sinilip pa muna ang mukha.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa isang eskinita sa Sitio Kasagingan Banawa, Barangay Guadalupe, na nagkatalungko ang 40-anyos na biktima at naglalaro umano ng online games sa cellphone dakong 7 p.m.

Maya-maya lang, dalawang lalaki ang dumating, at nagpunta sa harapan ng biktima ang isa, habang nakatayo naman sa likod niya isa pa.

Nang sulyapan ng biktima ang salarin na nasa kaniyang harapan, naglabas na ng baril ang salarin na nasa kaniyang likuran at binaril siya sa ulo.

Kaagad na nasawi ang biktima, ayon sa ulat.

Ayon sa kapatid ng biktima, wala silang alam na kaaway nito o natatanggap na banta sa buhay.

Tinitingnan naman ng pulisya ang anggulong personal na away o ilegal na droga bilang motibo sa krimen.

Nitong Miyerkules ng madaling araw, nadakip ang dalawang suspek sa Barangay Tisa ng mga operatiba ng Guadalupe Police Station.

Sinabi ni Police Major Miles Damoslog, hepe ng Guadalupe Police Station, nakuha sa mga suspek ang mga damit na suot ng mga salarin nang gawin ang krimen na nakita sa CCTV footage.

Bagaman hindi nakita ang baril na ginamit sa krimen, inamin umano ng mga suspek ang ginawang krimen pero hindi pa sinasabi kung ano ang dahilan.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.--FRJ, GMA Integrated News