Isang pusa ang nahuli-cam na malakas na inihagis ng isang lalaki sa dagat na sakop ng Albay. Ang pusa na natuklasan na buntis, nasagip kaya?

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang lalaki na isang menor de edad, pati na ang kaniyang kasama.

Sa video, makikita ang lalaki na hawak ang pusa habang nasa gilid ng daan at saka inihagis nang malakas papunta sa dagat.

Natunton at pinuntahan ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng lalaki sa video at kaniyang kasama.

Inihayag umano ng dalawa na para sa online content ang kanilang ginawa.

Nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad.

Nasagip din ang buntis na pusa na nasa pangangalaga ng barangay,

Kinondena ng lokal na pamahalaan ang ginawa ng mga menor de edad na tiyak umanong papatawan ng kaukulang parusa.--FRJ, GMA Integrated News