Timbog ang dalawang lalaki na may modus umano ng pagbili ng motorsiklo sa murang halaga, ngunit makikipag-swap online at ibebenta ang unit sa mas mataas na presyo sa Angono, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na Setyembre 2 nang isang 28-anyos na lalaki ang nakipag-swap ng kaniyang bike na may halagang halos P100,000, sa scooter ng suspek na pareho umano ang presyo sa Antipolo City.
Ngunit kalaunan, natuklasang nabili ng suspek ang kaniyang scooter sa halagang P45,000 lamang.
"But then after a week, nu'ng itong biktima natin is pumunta na sa LTO para sa transfer of ownership, doon niya na-found out na 'yun palang nakuha niyang motorcycle ay falsified ang mga documents," sabi ni Police Lieutenant Colonel Alexy Sonido, chief ng Angono Police.
Tinangka ng biktima na makipagkomunikasyon sa nakatransaksyon ngunit naka-block na ang kaniyang number.
Pinuntahan din umano niya ang sinabing address ng suspek na napag-alamang peke rin.
"Nag-post siya ngayon doon sa isang online group chat about doon sa experience niya. Merong isang member din doon sa messaging app na 'yan na nagma-match 'yung dinescribe na motor na 'yun pala is for sale na. And that person is actually having a transaction para bilhin itong motorcycle na ito," sabi ni Sonido.
Dito na nagtungo sa Angono Municipal Police Station ang biktima, katulong ang isa pang buyer na bibili sana ng big bike ng naunang biktima ng suspek sa halagang P95,000.
Dinakip ang suspek at kaniya umanong kasabwat sa kanilang meet-up sa M.L. Quezon Avenue, Barangay San Isidro sa Angono nitong Linggo.
Sinabi ng suspek na taong 2019 nang magsimula siya mag-buy and sell ng mga bike, na na-upgrade kalaunan sa trading ng mga motor. Umamin siya sa modus ngunit iginiit na nabiktima lang din umano siya ng napagbilhan ng motor sa online.
"Naisip ko po kasi na 'yung papeles, 'yung sa Xerox lang po, 'yung sa Talon Casa po. Nu'ng binili ko po kasi 'yun, 'yun na po lahat ng binigay sa akin. Then naging kampante naman po ako. Na-victim lang din po ako. Kasi hindi ko naman po ipo-post 'yung motor kung alam ko pong ganu'n," sabi ng suspek.
Depensa naman ng isa pang hinuli na nadamay lang siya.
Nahaharap ang mga suspek sa estafa through falsification of public documents.
Tinitingnan din daw ang posibilidad na miyembro ng grupo ng iligal na nagba-buy and sell ng mga motorsiklo ang dalawang suspek, na kasalukuyang nakabilanggo sa custodial facility ng Angono Municipal Police Station. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News