Sugatan ang isang 11-anyos na lalaki na nagbibisikleta sa national road sa Mangaldan, Pangasinan nang mabangga siya ng isang kotse na nasa tamang linya ng daan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ng Barangay Malabago na galing sa kabilang bahagi ng kalsada ang binatilyo at tumawid patungo sa linya ng umaandar na kotse na nakabangga sa kaniya.
Nagpreno pa ang driver ng kotse pero nasagi pa rin niya ang bisikleta at tumilapon ang biktima.
Ayon sa punong barangay na si Myla Muyargas, nagtamo ng sugat at gasgas ang biktima, at pumailalim din sa sasakyan ang bisikleta.
Inihayag pa ni Muyargas, na sinabi umano ng driver ng kotse na alam niya na paparating ang bisikleta kaya siya nagpreno pero nasagi pa rin niya ang binatilyo.
Nakatakda umanng mag-usap ang mga magulang ng binatilyo at ang driver ng kotse.
Paalala naman ni Mayargas sa mga nagbibisikleta, national road ang kalsada kaya dapat magpunta sila sa nararapat at ligtas na linya ng daan para maiwasan ang digrasya.
"Kung tatawid po tayo tingnan natin ang kaliwa at kanan para hindi po tayo madisgrasya," dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News