Nakunan sa CCTV camera ang karambola ng apat na sasakyan sa isang kalsada sa San Jacinto, Pangasinan. Ang driver ng isang pickup truck na sangkot sa aksidente, nakaranas umano ng mild stroke.

Sa ulat ni Claire Lacanilao-Dungca ng GMA Regional TV nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage na umaabante ang puting pickup truck.

Ngunit ilang saglit lang, bigla itong umatras at nabangga ang sumusunod na isa pang puting pickup.

Hanggang sa isa pang kotse at nakaparadang jeep ang nabundol nito.

"Allegedly bigla po yatang nagkaroon siya ng mild stroke kaya po nawalan siya ng kontrol kaya bumangga po siya sa isang sasakyan. Noong nag-reverse siya, may isa namang sasakyan na paparating kaya nabangga niya," sabi ni Police Captain Vladimir Lalas, Deputy Chief, San Jacinto Police Station.

Nasa maayos nang kondisyon ang driver.

Sinabi ng pulisya na nagkausap na ang apat na sangkot sa karambola.

Tumangging magbigay ng kaniyang panig ang driver ng puting pickup, ngunit nangako siyang sasagutin ang pinsala ng mga nabanggang sasakyan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News