Nagtamo ng sugat ang isang jeepney driver matapos siyang saksakin ng isang pasahero na kaniyang sinita dahil hindi nagbayad ng pamasahe sa Cainta, Rizal. Ang suspek, umaming lasing at nawala umano ang kaniyang wallet kaya wala siyang maipambayad.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, inilahad ng pulisya na naganap ang insidente sa Barangay Sto. Domingo nitong Sabado, Setyembre 7.
"Itong suspek ay bumaba sa isang jeep na hindi nagbayad ng pamasahe. At napansin siya ng driver and then bumaba rin 'yung driver at siya ay sinita," sabi ni Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, chief ng Cainta Police.
"Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at bumunot ng balisong itong ating suspek, na isinaksak sa ating biktima na jeepney driver," dagdag ni Macatangay.
Sugatan sa kanang braso ang 50-anyos na jeepney driver.
Sinabi ng pulisya na napagkamalan pang holdaper ng mga pasahero ang suspek kaya nagbabaan ang ilan sa kanila habang nagtatalo ang dalawa at tumawag ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulis.
"'Yung mga pasahero na natatakot sa kaniya, kasi nga medyo malikot ang galaw niya, ang mga mata niya malikot, so pinagdududahan siya na akala mangho-holdap," sabi ni Macatangay.
Isinalaysay ng suspek na si alyas "Reyrey" na pauwi na siya mula sa inuman sa kanilang trabaho bilang construction worker.
Lasing na siya at nagkamali ng nasakyang jeep.
"Noong time na po na 'yun 'yung wallet ko po hindi ko po alam kung saan napunta, hindi ako nakapagbayad po. Ngayon sinisingil po ako, sabi ko po, pasensiya na po kasi wala akong maibabayad," sabi ng suspek.
Ngunit hindi umano umawat sa paninita ang driver kaya siya tumakbo.
"Sa sobrang takot ko po, tumakbo po ulit ako. Nagtago po ako ng mga isang oras tapos lumantad po ulit ako, nakapagpalit ako ng damit," sabi ng suspek.
Itinanggi rin niyang holdaper siya at hindi rin siya ang nanaksak.
"Baka natakot lang po sila kasi lasing po ako. Aminado po ako roon, pero wala po talaga akong ginawang kalokohan. Wala rin po akong dalang balisong o kahit anong klaseng panaksak po," sabi ng suspek.
Ngunit nang dakipin, nakumpiska sa binata ang isang patalim, bagay na kaniyang itinanggi nang makapanayam ng GMA Integrated News.
Dati na ring nadawit sa ilang krimen ang suspek sa Cainta, ayon sa pulisya.
Menor de edad pa lamang umano ang suspek nang masangkot na ito sa pagnanakaw ng mga kuryente at labas-masok din sa DSWD.
Nakadetene sa kasalukuyan sa Cainta Municipal Police Station ang suspek, na nahaharap sa kasong attempted homicide at illegal possession of bladed, pointed or blunt weapons. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News