Arestado ang isang 24-anyos na lalaki na suspek sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Cainta, Rizal nitong Linggo.
Nabilhan siya ng hinihinalang shabu ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy-bust operation sa Barangay San Juan sa Cainta noong madaling araw ng Linggo.
Pumalag ang suspek na kinilalang si alyas Toti, ayon sa pulisya.
"Nu'ng kinasa natin 'yung buy-bust operation, nagkaroon pa nga ng konting habulan, dahil binangga niya 'yung ating poseur buyer nu'ng malaman niyang ito ay ating isang pulis. Nagkaroon tuloy ng habulan sa kalsada," ani Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, hepe ng Cainta Municipal Police Station.
Nakumpiska sa suspek ang anim na pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang limang gramo at nagkakahalaga ng P34,000.
Narekober din sa suspek ang isang .38 caliber pistol at limang bala nito.
Limang araw daw minomonitor ang suspek na ilang taon na rin umanong nagbebenta ng droga sa iba't ibang lugar sa Rizal, ayon sa pulisya.
Giit naman ng suspek, gumagamit lamang siya at hindi nagbebenta ng ilegal na droga.
Dati na raw nakulong si alyas Toti dahil din sa mga kasong kaugnay ng droga at pagnanakaw, ayon sa pulisya.
"He revealed that his group was involved in a series of robbery, akyat-bahay in Cainta and nearby municipalities... Meron din silang nabiktima na basag-kotse dito sa area namin," ani Macatangay.
Nakakulong na ang suspek sa custodial facility ng Cainta Municipal Police Station.
Nahaharap siya sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —KG, GMA Integrated News