Nahuli-cam ang ginagawang pagkatay ng mga kalalakihan sa ilang aso para gawin umanong pulutan sa La Trinidad, Benguet. Ang isa sa mga aso, duguan na nang paghahampasin pa.

Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang agad na pagpupumiglas ng isang aso nang palibutan na ng ilang lalaki.

Sa isa pang video, isa namang duguang aso ang ilang ulit na pinaghahampas ng mga lalaki.

Lumabas sa imbestigasyon na madalas na nagsasagawa ng pagkatay ng aso sa lugar para gawin umano silang pulutan.

Kinondena ng animal groups ang insidente, na naiulat na sa mga awtoridad.

Ihahabla naman ng isang animal rights group ang mga dawit sa naturang pagkatay. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News