Nasagip ng mga awtoridad ang isang babae na binihag ng kaniyang live-in partner sa Davao City nitong Miyerkules ng tanghali.

Sa ulat ni King Pandia sa Super Radyo dzBB, sinabi ng pulisya na rumesponde sila sa Barangay Catalunan Pequeño nang makatanggap ng impormasyon na isang babae ang sinasaktan ng kaniyang kinakasama.

Pero pagdating ng mga pulis sa lugar, binihag na ng suspek ang biktima. Kinalaunan, tinangka ng suspek na tumakas gamit ang motorsiklo.

 

 

Sa paghabol ng mga pulis, isang sibilyan ang nabangga ng suspek. Bumunot pa umano ng baril ang suspek kaya napilitan ang mga awtoridad na barilin siya.

Dinala ang sugatang ospital ang suspek sa ospital na nakatakdang sampahan sa kaukulang mga kaso.

Ligtas naman ang live-in partner ng biktima, pati na ang sibilyan na nabangga ng suspek.--FRJ, GMA Integrated News