Isang 15-anyos na babaeng estudyante ang dalawang araw nang hinahanap ng kaniyang pamilya matapos na hindi makauwi mula nang masuspinde ang klase noong hapon ng Lunes sa Calasiao, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay Doyong, ang pamilya para hanapin si Angeline Zara.
Ayon kay Robeth Balanquit, ama ng dalagita, pumasok ang kaniyang anak noong Lunes ng umaga at humingi pa ng dagdag na panggastos dahil sa kanilang project.
Pero dahil sa pag-ulan, sinuspinde ang klase pagsapit ng hapon. Kaya inasahan ng pamilya na mas maagang makakauwi nang araw na iyon si Angeline.
Ngunit nag-alala na sina Robeth nang hindi pa umuuwi ang anak pagsapit ng 7:00 pm at hindi rin siya makontak sa telepono.
"Mag-ala siyete ng gabi, nag-worry na kami kasi hindi kami sanay na hindi siya nagpapaalam. Halos lahat naikot na namin tapos wala talaga," dagdag ng ama.
Sa kuha ng Closed circuit television (CCTV) camera mula sa barangay, nakita si Angeline nang umalis ng paaralan na may kasabay na kaklase dakong 2:30 p.m.
Nakita rin ang dalagita na sumilong sa isang tindahan kasama pa rin ang kaklase dahil patuloy pa rin ang pag-ulan. Hanggang sa maglakad muli si Angeline at ang kaklase sa lugar na hindi na nahagip ng CCTV
"Sana makauwi siya nang maayos. Kung may tampo siya sa amin, normal lang ['yon], dahil magulang lang kami na nagmamahal sa kaniya," ayon kay Robeth.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ferdinand Lopez, hepe ng Calasiao Police Station, tumutulong na rin ang kapulisan sa paghanap sa dalagita.
"Lahat ng police station, pina-flash alarm ‘yung missing person natin," sinabi ni Lopez.
Sa sino mang may impormasyon sa kinaroroonan ni Angeline, makipag-ugnayan lang sa Calasiao Police station.--FRJ, GMA Integrated News