Matapos masunugan, binaha naman ang ilang residente na dinala sa isang evacuation center sa Bacoor, Cavite. Ang mga naipon nilang relief goods gaya ng bigas, nabasa rin.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing mga residente na nasunugan mula sa Barangay Tres noong nakaraang buwan ang nabiktima ng pagbaha dahil sa malakas na buhos ng ulan na dala ng bagyong Enteng nitong Lunes ng madaling araw.
Sa video footage, makikita na nalubog sa baha ang mga tent sa evacuation center sa isang covered court sa Barangay Zapote.
Ang mga naipon nilang relief goods gaya ng bigas, nabasa at hindi na mapapakinabangan.
Ayon kay mayor Strike Revilla, 600 na pamilya o nasa 2,000 ang mga nasunugan ang kailangang ilipat ng evacuation center.
Bukod pa ito sa mga residenteng kinailangan ding ilikas dahil dahil nalubog sa baha ang mga bahay.
Sinabi ng alkalde na ikinabigla nila ang malalim na baha, at may mga lugar umano na dating hindi binabaha pero nalubog na ngayon sa tubig.--FRJ, GMA Integrated News