Nasawi ang isang 36-anyos na ama, at isang-taong-gulang niyang anak na babae matapos na bumangga sa puno ang sinasakyan nilang tricycle sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nasawi sa aksidente na nangyari sa Talavera, Nueva Ecija sina Mark Anthony Rosario, at anak niyang si Abegail,  residente ng Bayambang, Pangasinan.

Sugatan din sa aksidente ang asawa ni Anthony at dalawa nilang anak.

Ayon sa kaanak ng mga biktima, may bakal na natanggal sa pagkaka-welding sa tricycle na dahilan kaya nawalan ito ng kontrol at bumangga sa puno.

"Nabigla kaming lahat. Hindi naman sila nagkasakit. Talagang ang sakit ng kapalaran nila dahil sa araw na ‘yun nabigla kaming lahat kung bakit ganyan ang nangyari," ayon sa kaanak.

Madalas daw na bumibiyahe sakay ng tricycle ang mag-anak dahil nandoon ang kanilang hanapbuhay.--FRJ, GMA Integrated News