Sugatan ang isang 78-anyos na lolo matapos sumalpok sa kanilang bahay ang isang kotse sa Talisay City, Cebu. Ang driver ng sasakyan, hinihinalang na-cardiac arrest habang nagmamaneho at namatay.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mohon, nitong Huwebes ng hapon.

Ayon kay Jocelyn Paredes na may-ari ng bahay, nasa tindahan siya nang makita niya ang sasakyan na mabilis ang takbo at nagdi-diretso sa kanilang tahanan.

Nasa bahay noon ang kaniyang 78-anyos na ama na siyang natamo ng mga sugat dahil sa nangyaring insidente.

Sa imbestigasyon ng City of Talisay Traffic Operations and Development Authority (CT-TODA), lumitaw na patungo ang kotse na minamaneho ng 41-anyos na driver sa bayan ng Minglanilla.

Inihayag naman ni Greg Albeos Jr., assistant operation head ng Talisay City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), na unresponsive na ang driver nang dumating sila sa lugar ng aksidente.

Isinugod sa ospital ang driver sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Ayon sa awtoridad, nagkausap na ang may-ari ng bahay at ang kaanak ng nasawing driver. -- FRJ, GMA Integrated News