Nilaslas ang leeg ng isang lalaki ng kaniyang kainuman dahil sa komento niya sa iniimon nilang tuba, na ang suspek pala ang nagbebentasa Carmen, Cebu City.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, inilahad ng Cebu Police na inireklamo ng biktima ang lasa ng iniinom nilang tuba.

Napag-alamang produktong ibinibenta pala ito ng suspek kaya nagalit siya sa biktima.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na unang nanuntok ang biktima, hanggang sa kinuha na ng suspek ang karit na nakasabit sa kaniyang baywang.

Kalaunan, hiniwa niya ang leeg ng biktima, na suwerteng nakaligtas.

Wala pang pahayag ang nadakip na suspek, na mahaharap sa reklamong frustrated homicide.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News