Matapos na magbaril sa sarili sa loob ng police station ang isang lalaki na umamin umanong sangkot sa pagpatay at hinihinalang paggahasa sa isang babae sa Bukidnon, inihayag ng mga awtoridad na may dalawang suspek pa sa naturang karumal-dumal na krimen na kanilang hinahanap.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nag-alok ng P50,000 na pabuya bawat isa ang Bukidnon Provincial Police Office sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek, at kinaroroonan ng mga ito.

Nitong Enero 11, 2025 nang makita sa isang tubuhan sa Valencia City ang labi ng limang-taong-gulang na biktima, isang araw matapos siyang iulat na nawawala.

Isang araw matapos na madiskubre ang bangkay ng bata, isang lalaki na person of interest sa krimen ang sumuko sa mga pulis at umamin umano sa pagpatay sa biktima

Pero habang gumagawa ng extra-judicial confession o salaysay ang lalaki, inagaw umano nito ang baril ng isang pulis at ipinutok sa sarili na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Ngunit ayon kay Bukidnon-PPO Director Police Colonel Jovit Culaway, may dalawa pang suspek na hinahanap ang mga awtoridad kaugnay sa nangyaring karumal-dumal na krimen.

Hinihinala ng mga awtoridad na pinagsamantalahan muna ang biktima bago pinatay.

Ayon kay Culaway, may nakakita na isinakay ang bata sa tricycle matapos na kaibiganin ng suspek at hindi nagduda ang nakakita dahil inakalang magkakilala ito.

“Mura’g gisakay sa motorela o tricycle padulong didto sa area. Gitagaan og candy, gi-amigo-amigo and then nabitbit na niya. So, abi pud sa nakakita, abi niya’g anak daw atong isa ka suspek. Kinsa ba gud ang magduda kay wala man siguro naghilak ang bata o by force nga gibira siya,” ani Culaway. --FRJ, GMA Integrated News