Nasawi ang isang babaeng pasyente matapos pagbabarilin habang nagpapagaling sa isang ospital sa Dasmariñas, Cavite. Ang biktima, dinala sa pagamutan matapos na unang barilin din pero nakaligtas. Tatlo pa ang sugatan, kabilang ang ina ng biktima at isang security guard.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV Balitanghali nitong Biyernes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang unang pamamaril sa biktima noong Agosto 22.
Nitong Agosto 28, muli siyang binarilin at napatay na sa loob ng pagamutan.
Sa security camera ng ospital, nahuli-cam ang isang lalaki na sakay ng motosiklo na pumasok sa ospital.
Siya rin ang suspek sa pamamaril ng biktima na nasa loob ng ward noon ng ospital.
“Talagang pinagplanuhan po ng mga suspek at may galit po siya roon sa biktima. Ang biktima kasi is dating nagbibigay ng impormasyon po sa ating mga awtoridad pagdating sa illegal activities sa kanilang barangay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Julius Balano, Chief of Police ng Dasmariñas Police.
Sugatan din ang nagbabantay na ina ng biktima, ganoon din ang security guard na tinamaan ng bala sa braso. Habang isa pang babae ang tinamaan naman bullet shrapnel sa paa.
Nakalalaya pa ang suspek sa pamamaril pero nadakip ang kasabwat niya na nagsilbi umanong lookout sa loob ng ospital.
“Mayroon po tayong tatlong suspek po. ‘Yung nahuli po natin, kasama din po siya sa nagplano at siya po ‘yung driver ng gateway vehicle ng gunman. Kasalukuyan pa po ‘yung pag-follow-up operation po sa dalawa,” sabi ni Balano.
Tumangging magbigay ng panig sa harap ng camera ng GMA Integrated News ang nadakip na suspek.
Sinabi ng pulis na kinumpirma ng nahuling lookout na maliban sa gunman, may isa pang mastermind sa krimen.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong murder at attempted murder.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang ospital kung saan naganap ang krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News