Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) Bacolod District Office laban sa ina ng dalagitang natagpuang patay sa taniman ng tubo sa La Carlota City, Negros Occidental dahil sa hindi umano nito pakikipagtulungan sa imbestigasyon para malutas ang kaso.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing hihilingin ng NBI sa pamilya Galve na makapagsagawa sila ng kanilang hiwalay na awtopsiya sa mga labi ng 15-anyos na biktima na si Pearl Joy.
“Gusto sana nating malaman how long siya namatay bago siya na-discover. 'Yun sana ang gusto nating makita sa autopsy. I knew she was raped,” sabi ni Atty. Manuel Fayre Jr., agent in chief ng NBI-Bacolod District Office.
Nauna nang inihayag ng La Carlota City Police, na lumitaw sa unang awtopsiya na sinaktan at inabuso ang biktima.
Hindi rin itinago ni Fayre ang pagkadismaya sa ina ng biktima na si Jennifer Galve, dahil hindi umano ito nakikipagtulungan sa imbestigasyon.
"Nanay na 'yan, sinabi na nung bata sa kaniya na may problema... Hanggang ngayon, may tinatago pa rin siya…,” puna ni Fayre.
Iginiit ni Fayre na mahalaga ang makukuha nilang tamang impormasyon mula sa ginang para malaman ang katotohanan sa nangyari sa dalagita, kung makikipagtulungan sa kanila.
Babala ng opisyal, una niyang kakasuhan ang ginang kung patuloy itong hindi makikipagtulungan sa kanila.
“Doon sa nanay niya, hindi ko alam kung bakit ganun na lang yung holdings niya. Kung hindi siya makipag-cooperate sa amin, siya ang una kong kakasuhan,” ayon kay Fayre.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag si Jennifer sa pahayag ni Fayre.
Sa nakaraang panayam kay Jennifer, humingi siya ng temporary restraining order sa korte laban sa kanilang live-in partner na si alias “Rene,” na ikinukonsidera ng NBI na suspek sa nangyari sa dalagita.
Itinanggi ni Rene na may kinalaman siya sa nangyari sa biktima pero sumuko siya sa pulisya dahil sa natatanggap umanong banta sa kaniyang seguridad.
Samantala, sinusuri na ng pulisya ang chat messages ng dalagita sa kaniyang pinsan bago ito umalis ng paaralan at mula noon ay hindi na nakita hanggang sa matagpuan ang kaniyang bangkay pagkaraan ng ilang araw.
BASAHIN: Nawawalang 15-anyos na babae, nakitang patay sa tubuhan sa Negros Occidental
Batay sa mga nakalap na impormasyon, may taong katatagpuin si Pearl Joy noong July 29, 2024 bago siya nawala. Natapuan ang kaniyang bangkay noong August 14, 2024 sa taniman ng tubo sa Barangay Cubay, La Carlota City.
“Ang ka-chat niya, niyaya siyang mamasyal pero hindi sumama si Pearl. Doon natin titingnan kung after na umalis siya sa school, may pinuntahan pa siyang ibang [lugar],” ayon kay Captain Michael Tuburan, hepe ng Bacolod City Police Station 9. --FRJ, GMA Integrated News