Arestado ang isang lalaki at kaniyang 11-anyos na anak matapos nilang pagnakawan ang isang restaurant sa Dagupan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao-Dungca ng GMA Regional TV nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV footage ang pagpasok ng isang lalaki sa naturang restaurant na nire-renovate noon kasama ang menor de edad niyang anak.

Sa isa pang kuha, makikitang tinangay ng lalaki ang isang sako ng bigas.

Matapos nito, tinakpan niya rin ang CCTV camera gamit ang plastic bago itinuloy ang pagnanakaw.

Tatlo pang sako ng bigas ang kanilang tinangay kasama ang dalawang LPG tank at isang case ng softdrinks.

Sinabi ng may-ari ng restaurant na aabot sa mahigit P10,000 ang natangay ng mga salarin.

Agad namang inaresto ng pulisya ang lalaki kasama ang anak.

Nahaharap sa reklamo ang lalaki na pansamantalang nakalaya nang makapagpiyansa.

Itinurn-over naman sa DSWD ang menor de edad niyang anak.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News