Dinakip sa Binangonan, Rizal ang isang 26-anyos na lalaki na wanted dahil sa panggagahasa umano na isang menor de edad sa Quezon Province. Depensa ng suspek, pareho nilang ginusto ng biktima ang nangyari.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing inaresto sa Barangay Calumpang bago mag-7 p.m. nitong Sabado ang suspek, na kasama sa Most Wanted Persons List ng Calabarzon.

Hindi na nakapalag ang akusado, na nagtago ng mahigit anim na buwan, matapos silbihan ng arrest warrant.

Ayon sa Binangonan Police, may kaso ang suspek na two counts of rape at sexual assault, kung saan biktima niya ang 16-anyos na kapatid umano ng kaniyang live-in partner.

Anim na buwan na nanirahan ang suspek sa bahay ng kaniyang live-in partner sa Quezon Province kasama ang kapatid nito.

Wala silang relasyon ng 16-anyos na biktima.

"Noong time po na 'yun, pareho naming ginusto po 'yun. Ang mali ko lang po, kasi pumatol po ako. Magkatabi po kami ng higaan, may nangyari na po noon," depensa ng suspek.

Itinanggi rin ng suspek na nagtago siya matapos ang krimen, kundi lumawas lamang sa Maynila upang magtrabaho.

Pinagtalunan umano ng magkapatid ang nangyari sa kanila ng biktima, at doon na nagsampa ng reklamo ang live-in partner laban sa kaniya.

"Natakot po kasi ako kaya po ako umalis na rin doon kasi wala po akong kamag-anak doon. Hindi ko po akalain na hahantong po sa ganito 'yun. Pareho naman po naming ginusto," sabi ng suspek.

Batay sa mga record ng pulisya, napag-alamang may iba pang reklamo ng rape laban sa akusado kung saan 28-anyos ang isa pang biktima na babaeng katrabaho ng suspek.

Naganap ang panggagahasa umano nitong Agosto 2.

"Stay-in silang pareho sa isang tindahan ng gadget sa bandang Pantok, Binangonan, Rizal. Doon pinagsamantalahan ng suspek 'yung kasamahan niya sa trabaho," ayon kay Police Lieutenant Rache Palconit, Chief Intel ng Binangonan Municipal Police Station.

Nakabilanggo na sa Binangonan Custodial Facility ang suspek, na naharap sa two counts of rape at sexual assault sa menor de edad na biktima. Pinoproseso naman ang isa pa niyang reklamong rape. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News