Dalawa ang nasawi nang magsalpukan ang isang tricycle at motorsiklo sa nakainom umano ang mga sakay sa Mangatarem, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes ng gabi sa Barangay Olo Cacamposan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na paliko ang tricycle na sakay ang mag-asawa nang mabangga ng motorsiklo na dalawa rin ang sakay.
"Nag-left turn itong tricycle sa isang kanto, doon na nangyari ang banggaan ng tricycle at motor," ayon kay Police Major Ramsey Ganaban, officer in charge, Mangatarem Police Station.
Pawang tumilapon ang mga sakay ng tricycle at motorsiklo na nagtamo ng head injuries.
Ayon sa pulisya, galing umano sa inuman ang mga sakay ng motorsiklo, habang walang suot na reflectorized vest ang driver ng tricycle kaya posibleng hindi ito napansin ng rider.
"Kailangan magsuot ng reflectorized vest ang ating mga motorista. Hindi lang ang mga naka-single na motorcycle pati na rin ang mga tricycle. So that mabawasan ang mga vehicular traffic accident," payo ni Ganaban.--FRJ, GMA Integrated News