Isang establisimyento sa Jaro, Iloilo City ang nawalan ng nasa P1.3M na cash matapos pasukin ng mga kawatan na hinihinalang dumaan sa drainage system.
Sa ulat ng Regional TV News nitong Miyerkoles, sinabing nagulat na lang ang mga empleyado nang makita na wala nang laman ang vault na pinaglalagyan ng kanilang benta.
May nakitang butas sa pader at sa sahig na hinihinalang dinaanan ng mga kawatan na hindi bababa sa tatlo.
Naniniwala si Police Major Eduardo Siacon, officer in charge ng Iloilo City Police Station 9, posibleng sa isang drainage system dumaan ang mga suspek para makapasok sa loob ng establisimyento.
"Once na nasa ilalim na sila ng building, doon na sila nagbutas sa concrete floor naman para maka-gain entry," pahayag niya.
Ilang linggo na nakalilipas nang mapansin ng isang empleyado ang ilang tao sa lugar na kaduda-duda umano ang kilos.
Sa drainage system, nakita ang ilang gamit gaya ng crowbar na hinihinalang ginamit ng mga suspek.--FRJ, GMA Integrated News