Nasawi ang isang lalaki matapos siyang mabundol ng isang motorsiklo habang tumawid sa pedestrian lane sa Lipa City, Batangas. Ang rider na nakabundol, tumakas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang 67-anyos na biktima na tumatawid sa pedestrian lane sa Barangay Tambo nitong Lunes ng umaga.

Ilang hakbang na lang sana ay nasa kabilang bahagi na ng kalsada ang biktima nang mabundol siya ng motorsiklo na mabilis ang takbo.

Parehong tumilapon ang biktima at ang rider. Pero hindi nagtagal, bumangon ang rider at muling itinayo ang motorsiklo at umalis.

Nadala pa sa ospital ang iniwan niyang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan.

Labis ang hinanakit ng asawa ng biktima sa sinapit ng kaniyang mister.

Nanawagan siya sa rider na sumuko na at panagutan ang kaniyang ginawa.

Sinusuri na umano ng mga awtoridad ang mga CCTV camera na maaaring dinaanan ng rider para matukoy ang pagkakakilanlan nito.--FRJ, GMA Integrated News