Nauwi sa krimen ang pagparada ng van sa gilid ng isang tindahan sa Antipolo, Rizal. Ang 26-anyos na driver ng van, tatlong beses binaril sa ulo ng kaniyang nakaalitan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News “24 Oras" nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang biktima na nakikipagsuntukan sa suspek na si "Alyas Toto," noong Sabado ng tanghali sa Barangay Cupang.
“Tuwing nagpa-park daw yung biktima doon sa area ay pinagtatalunan nila. Pero yung pinag-park-an nung biktima nung time na 'yon ay hindi naman siya para mag-park. Tumigil lang siya para ibaba yung mga pasahero niya,” ayon kay Antipolo Component City Police Station Police Captain Carlo Tamondong.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, unang nakasakitan ng biktima ang may-ari ng tindahan.
“Siya yung nanakal. Siya nag-umpisa, pag-park pa lang nila, galit na galit na raw siya sa biktima,” sabi pa ni Tamondong.
Sa naturang komosyon ng driver at may-ari ng tindahan, lumapit si Alyas Toto sa dalawa. Kinalaunan si Alyas Toto na ang kasuntukan ng biktima hanggang sa barilin ng suspek ang driver.
Ayon kay Tamondong, tatlong tama ng bala sa ulo at isa sa likod ang tinamo ng biktima.
Nakatakas si Alyas Toto pero naaresto ang may-ari ng tindahan, na itinanggi na sinaktan niya ang biktima.
“Di ko sinakal. Tinulak ko siya pabalik ng sasakyan...Para 'di na nga bumaba ng sasakyan para 'di po sila mag-away, e. E 'di nagpapigil e,” paliwanag ng may-ari ng tindahan na sinabing kainuman niya si Alyas Toto.
Hinala ng ina ng biktima, pinagplanuhan ang pagpatay sa kaniyang anak.
“Pinukpok 'yung harapan ng sasakyan niya. Yung motor niya puro dura ng plema, tapos dun din mismo sa tapat ng bahay sa may gate pinagbantaan din siya ng mga tauhan dun,” ayon sa ginang.
“Kabababa niya lang po ng sasakyan nun, talagang hinintay siya. Paglabas na ganun, may tao na agad dito, may isa na dito. Talagang pinagpaplanuhan na talaga siya na ano… kumbaga wala siyang tatakbuhan e,” dagdag niya.
Patuloy ang pagtugis ng mga pulisya sa nakatakas na suspek.--FRJ, GMA Integrated News