Sa kulungan ang bagsak ng isang 55-anyos na lalaki dahil sa pag-aamok at pananakit umano ng kapitbahay sa Antipolo, Rizal. Nang arestuhin, nadatnan ang suspek sa kaniyang bahay na lasing na lasing.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood ang pagsigaw at pagmamakaawa ng suspek na inaresto ng mga tanod ng Barangay Santa Cruz pasado 8 p.m. ng Lunes.
Nanakit umano ng kapitbahay at nagwala ang lalaki dala-dala ang ilang patalim.
Sinabi ng barangay na may dumulog sa kanila tungkol sa isang residenteng sinampal umano ng lasing na suspek nitong Sabado ng umaga.
Ayon kay Ricardo Carino Jr., Tanod Team Leader ng Barangay Sta. Cruz, hinuli na nila ang suspek at dinala sa barangay. Nagpositibo ito umano sa droga.
Gayunman, hindi itinuloy ang reklamo sa lalaki.
Ngunit kinagabihan, muling nagwala umano ang suspek.
"Nangyari uli. Tumawag uli si chairman at nagwawala na naman dito sa bahay nila. Sinisigawan siya, 'Lumabas ka rito at mag-usap tayo.' Ang suspek na iniisip niya parang pinag-iinitan siya," sabi ni Carino.
Hindi na inabutan ng mga rumespondeng tanod ang lalaki, at sa kaniyang bahay nakita ang lalaki na lasing na lasing.
"Noong isasakay na po namin siya sa mobil, ayaw niya, nagpupumiglas siya. Napansin namin 'yung sling bag niya, sabi niya may itatapon lang daw siya. Pagkapa ko ng ganu'n, naramdam ko may matulis. Ito, na-discover namin itong tatlong bala ng pana at saka itong kutsilyo," sabi ni Joelito Espelleta, Barangay Sta. Cruz Task Force.
"Agad ko po siyang pinosasan. Sobrang lasing na lasing po talaga siya at saka amoy alak po talaga. Hindi siya makausap nang maayos," sabi ni Velmar Orcales ng Barangay Sta. Cruz Task Force.
Nakuha ang improvised na pana at dekwatrong mga pako sa suspek, na walang pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News