Nagkaroon ng tensiyon matapos makipag-agawan ng baril sa pulisya ang dalawang lalaki sa isinagawang drug buy-bust operation sa Daet, Camarines Norte. Ang mga lalaki, arestado.

Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing target sana ng operasyon ang isang 40 taong gulang na babae.

Ngunit sa pakikipag-agawan ng mga lalaki, pumutok ang baril at nasapul sa paa ang isang pulis.

Dinakip ang dalawang lalaki, habang hindi pa malinaw kung kaano-ano nila ang suspek.

Nakumpiska sa target ang 10 sachet ng shabu umano, na aabot sa mahigit P13,000 ang halaga.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News