Tumagal ng tatlong oras bago nailabas sa pagkakaipit sa truck ang nasawing driver nito matapos na sumabit at mabagsakan ng sementadong arko sa isang barangay sa Cabuyao, Laguna.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Marinig nitong Martes ng gabi.

Ayon punong barangay na si Andoy Hain, hindi talaga daanan ng malalaking truck ang kanilang lugar dahil sa maliit ang kanilang kalsada at mababa ang kanilang arko.

Palaisipan pa kung paano napadpad sa kanilang lugar ang truck na may container van.

May kasama umanong pahinante ang truck na humingi pa ng tulong sa mga tao pero kinalaunan ay biglang umalis.

Nais ng barangay na mahanap ang pahinante para magkaroon ng linaw sa nangyaring insidente.-- FRJ, GMA Integrated News