Nagtamo ng matinding sugat sa ulo at nasawi ang magpinsang menor de edad matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang poste ng koryente sa San Jacinto, Pangasinan. Isang sekyu rin ang nasawi sa aksidente sa motorsiklo sa bayan ng Manaoag.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing edad 17 at 12 ang nasawing magpinsan.

Ayon sa awtoridad, lumilitaw na nawalan ng kontrol sa manibela ang rider ng motorsiklo kaya bumangga sila sa poste ng koryente sa bahagi ng Barangay Guibel.

Nagtamo umano ng matinding sugat sa ulo ang mga biktima na walang suot na helmet nang mangyari ang insidente.

Sa bayan naman Manaoag, nasawi ang isang security guard nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa concrete barrier sa Barangay Cabanbanan.

Pauwi na umano mula sa pamamalengke ang biktima na nangtamo ng matinding sugat sa ulo nang mangyari ang insidente.--FRJ, GMA Integrated News