Patay sa pamamaril ang magkapatid na lalaki sa Zamboanga City. Ang itinuturong salarin, ang isa pa nilang kapatid na lalaki.

Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, inihayag na nangyari ang krimen sa bahay ng magkakapatid sa Barangay Ayala, Zamboanga City.

Ayon sa nakatatandang kapatid na babae na itinago sa pangalang "Nene," palaisipan sa kanilang pamilya kung bakit pinagbabaril ng suspek ang mga biktima na edad 35 at 42.

“Narinig ko na lang ang pagputok ng baril. Yung isang kapatid ko, hinahabol tapos pinagbabaril na lang. Hindi namin alam bakit niya ginawa 'yon. Bigla siyang umalis pagkatapos niyang patayin mga kapatid niya,” sabi ni  “Nene.”

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang isang biktima, habang mga tama naman ng bala sa katawan ang ikinasawi ng isa pa.

Nais ni Nene na mabigyan ng katarungan ang brutal na sinapit ng kaniyang dalawang kapatid.

Inaalam pa ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) ang motibo ng suspek sa krimen pero hindi nila inaalis ang posibilid na maaaring sangkot ito sa ilegal na gawain.

Patuloy pa nilang hinahanap ang tumakas na suspek.

Ang anak ng suspek, nananawagan sa kaniyang ama na sumuko na at panagutan ang ginawang krimen.--FRJ, GMA Integrated News