Aabot sa P14 milyon na halaga ng mga alahas ang natangay ng mga kawatan na sumalakay sa magkatabing jewelry shops sa Cebu City nitong Huwebes bago magtanghali.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabi ng isang kawani sa niloobang tindahan na malapit sa Carbon Public Market na tatlong suspek ang pumasok at may nagsilbing lookout.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na armado ng mga baril ang mga suspek na pinagbabasak ang mga eskaparate na pinaglalagyan ng mga alahas na kanilang tinangay.
Pinadapa rin nila ang mga kawani at kostumer ng mga tindahan.
Wala na ang mga salarin nang dumating ang mga rumespondeng pulis.
Sinabi ni Police Colonel Antonietto Cañete, Cebu City Police Office chief, na natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek.
“Initially may nakitang dalawa na nasa labas, dalawa ang pumasok, may na-identify kami na isa,” ayon sa opisyal.
Iniutos ni acting Cebu City Mayor Raymond Alvin Garcia sa mga awtoridad na lutasin ang krimen sa loob ng 48 oras.--FRJ, GMA Integrated News