Tatlo ang sugatan nang makabangga ng tao at ilan pang sasakyan ang isang van sa Dagupan City, Pangasinan. Ang nakadisgrasyang driver, nakatulog umano habang nagmamaneho.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Barangay Tapuac nitong Miyerkules ng hapon.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita na kalalampas lang ng isang babaeng estudyante na tumawid sa pedestrian lane nang dumating ang van.

Nagdire-diretso ang van hanggang sa matumbok ang isa sa dalawang tao na naglalakad sa gilid ng kalsada.

Pero hindi pa tumigil ang van at nasalpok din ang nakaparang isang tricycle at isang sports utility vehicle.
Tatlo katao ang kabuuang bilang ng mga nasaktan sa insidente.

“Aminado naman [yung driver ng van]… nakaidlip [siya] nang minamaneho [niya] ‘yung sasakyan,” sabi ni Police Captain Leoffrey Sapi, imbestigador sa Dagupan City Police Station.

Ayon sa saksi na si Marife Rosario, nagulat siya natakot dahil nakita niyang duguan ang isang babae.

“Tapos susunod na kasi yung customer namin — bayaw ng barbero namin — susunod sana siya, nakita ko yung duguan na siya,” dagdag ni Rosario.

Nahaharap sa kaukulang reklamo ang driver na tumanggi na munang magbigay ng pahayag, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News