Nagtamo ng mga sugat ang isang lalaking hinihinalang sangkot sa droga matapos siyang saktan umano ng mga pulis habang nakadetene sa San Manuel, Pangasinan. Ang pulisya, dumepensang pumalag ang lalaki kaya siya nasubsob at nasugatan.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood sa video ang lalaki na sugatan sa loob ng detention facility ng San Manuel Police Station, na nag-viral sa social media.
Inilahad ng kapatid ng lalaki na Linggo nang dakipin ang suspek dahil umano sa pagkakadawit sa ilegal na droga.
Kinabukasan, nakita nila ang lalaki na mayroon nang mga sugat.
Balak magdemanda ng mga kaanak ng lalaki laban sa mga nagpahirap umano sa kaniya.
Ngunit iginiit ng mga pulis na pumalag ang lalaki sa buy-bust operation kaya ito nasubsob at nasugatan.
Bukod dito, lulong din umano sa ilegal na droga ang suspek.
Ni-relieve muna sa pwesto ang hepe ng San Manuel Police at ang arresting officer upang magbigay-daan sa imbestigasyon.
Pinoproseso na rin ng kapulisan ang posibleng pagsasampa ng kasong cyber libel laban sa uploader ng video. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News