Sa kulungan ang bagsak ng isang guwardiya matapos niyang tutukan ng baril ang kaniyang mga kaanak dahil sa kalasingan habang nagdiriwang ng kaniyang kaarawan sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita, sinabing naganap ang insidente tanghaling tapat nitong Linggo, kung saan nagbi-videoke ang suspek habang nagdiriwang ng kaniyang ika-51 kaarawan sa kanilang bahay sa Barangay Santa Cruz.
Ngunit dahil sa sobra niyang kalasingan, nauwi na ito sa panunutok ng baril ng suspek, na nakunan ng video ng kaniyang pamangkin.
"Nag-inuman kami, enjoy-enjoy, videoke, kantahan. Nu'ng lasing na siya, bigla niyang sinipa 'yung mesa. Pinauwi po namin kasi nabasag po 'yung alak," sabi ng pamangkin ng suspek.
Bumalik pa ang lalaki upang magtanong tungkol sa nawawala niya umanong cellphone.
"Ang sagot po namin ng stepfather ko, wala 'yung cellphone, dala-dala niya. Umuwi siya ulit, nu'ng pagbalik niya, kinuha niya 'yung baril niya," pagpapatuloy ng pamangkin.
Dala-dala umano ng kaniyang tiyuhin na nagtatrabaho bilang isang security guard ang .38 na revolver, na itinutok sa kaniyang mga kaanak na kasama sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan.
Agad naman naagaw sa suspek ang baril.
"Dinepensahan ko na kasi may narinig na akong, parang pumitik na po eh. Buti na lang walang bala. Lasing na po 'yun eh, blangko na po siya eh. Kung may bala man sana 'yun, ang mauunahan, ang mapupuruhan du'n 'yung anak ko," sabi ng pamangkin ng suspek.
Dumulog sa barangay at naghain ng formal complaint ang pamangkin laban sa kaniyang tiyuhin.
Nadatnan ng mga tauhan ng Barangay Santa Cruz ang suspek na natutulog dahil umano sa sobrang kalasingan.
Dito na sinundo, pinusasan at dinala sa police station ang lalaki.
''Talagang lasing na lasing na talaga gawa ng, nagse-celebrate siya ng birthday niya. Umaga pa lang, lasing na itong ating suspek. Dine-deny niya talaga na hindi raw kaniya 'yung baril," sabi ni Police Lieutenant Orlando Jalmasco, Station Commander ng Antipolo PCP2.
Mapapanood pa sa video na hirap na sa pag-upo ang suspek.
"Hindi pa ako lasing. Naaalala ko po. Ba't ko gagawin po 'yun eh, nagsasaya po kami eh, hindi po ba? Kasi 'yun ang araw ng birthday ko. Laban na lang kami sa kaso. Na hindi ako nanuntok ng baril," sabi ng suspek.
Giit pa niya, hindi sa kaniya ang baril at na frame up lang siya dahil sa inggit umano ng kaniyang pamangkin.
"Hindi po, para saan naman po 'yung frame up na gagawin ko po sa kaniya? Paano po ako mainggit, eh ako nga po 'yung nagpasok po na maging security guard siya po siya," sabi ng pamangkin.
Nakadetene sa custodial facility ng Police Community Precinct ng Antipolo City ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News