Patay ang isang babae matapos siyang barilin sa mukha ng isang bagitong pulis na kaniyang kainuman sa Davao City.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si  Justine Villaroja, residente ng Buhangin sa nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ang biktima at suspek na may ranggong patrolman sa Barangay Indangan kaninang madaling araw na nauwi sa pag-aaway dahil sa selos.

Binaril umano ng pulis na nakatalaga sa Mandug Police Station ang biktima gamit ang kaniyang service firearm na kalibre .9mm na baril, nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Nasawi ang biktima habang sumuko naman ang pulis kinalaunan, at mahaharap sa kaukulang kaso. --FRJ, GMA Integrated News