Isang 64-anyos na ina ang nawalan ng isang kamay matapos maputol sa pananaga ng kaniyang sariling anak sa San Manuel, Pangasinan.

Sa Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente nang magwala ang 38-anyos na suspek na armado ng bolo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Nagsaag.

Ayon sa pulisya, isang residente rin ang sugatan na nagtangkang awatin din ang suspek.

Nakita naman ang naputol na kamay ng ginang sa ilalim ng kanilang lamesa.

Tumakas ang suspek matapos ang pananaga pero sumuko rin sa pulisya kinalaunan.

Palaisipan pa kung bakit nagwala ang suspek na hindi pa makausap nang maayos.

“Sa initial investigation namin, wala namang heated argument o old grudge. Hindi rin siya nakainom kasi umagang-umaga noong mangyari,” ayon kay Police Major Ronnie Maramba, officer-in-charge ng San Manuel Police Station.

Sinasabi umano ng suspek sa pulisya na may nais pumatay sa kaniya.

“Parang stressed ‘yung suspek kasi noong dumating dito wala na siyang ibang pinagsasabi kundi mayroon daw papatay sa kanya,” sabi pa ni Maramba.

Nahaharap sa kaukulang reklamo ang suspek, habang patuloy na nagpapagaling sa ospital ang kaniyang ina.-- FRJ, GMA Integrated News