Isang 12-anyos na Grade 6 student ang gumagamit ng zipline para makapunta sa kaniyang eskuwelahan sa Barangay Alangilan, Bacolod City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nagmula pa si El James Retiza sa Barangay Santa Cruz sa bayan ng Murcia, na kumakapit sa harness na hinihila ng kaniyang ama papunta sa Barangay Alangilan.
Ayon kay James, ito ang pinakamabilis na daan patungo sa paaralan. Bagama’t may alternatibong daan, aabutin sila ng hanggang isang oras bago makapunta sa paaralan.
Kahit maulan, tinitiis ni James ang hirap para makapagpatuloy sa pag-aaral.
Nag-umpisa siyang mag-zipline noong Grade 3 pa lamang siya.
Pangarap ni James na maging isang seaman at magkaroon ng bahay kung saan hindi na nila kakailanganin mag-zipline. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News