Patay at humandusay sa kalsada ang isang babae matapos siyang pagbabarilin sa ulo ng isang salaring de-motorsiklo sa Antipolo City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Maria Jamila Aliana Vargas, edad 25.
Inilahad ng mga tanod at iba pang saksi sa insidente na bandang 10 p.m. ng Huwebes naganap ang pamamaril sa Sitio Kapatiran, Barangay San Isidro.
"Dumaan po sa harapan namin 'yan. Maya-maya, nakarinig kami ng dalawang putok. Agad naman pong rumesponde 'yung mga tanod po natin. Bale nakabulagta na po siya pagdating namin," sabi ni Dionosio Placio, Chairman ng Sitio Kapatiran.
"That time na nagkaroon ng unang putok, akala namin na mga sumasabog na gulong. Tapos noong may sumunod na putok, doon kami naalarma na baril nga po 'yung pumutok," ayon sa saksing si Ralph Mandaje.
Nakita sa crime scene ang dalawang basyo ng bala ng baril.
Sinabi ng isang saksi na nakamotor ang salarin, na agad ding umarangkada matapos ang pamamaril.
Isinalaysay ng nanay ng biktima na si Marilou Vargas na nagpaalam lang ang kaniyang anak na pupunta sa kaniyang pinsan.
Pagkaraan ng ilang oras, dumating ang kaibigan ng biktima at ipinapakita sa ina nito ang mga larawan ng biktima.
''Sobrang laking gulat. Sobrang palakaibigan po ‘yan. Wala po siyang kaaway,'' sabi ni Marilou.
Sinabi ng barangay na hindi residente ng Barangay San Isidro ang biktima.
Patuloy ang paggulong ng imbestigasyon ng pulisya sa insidente at nagsasagawa na rin ng backtracking ang mga awtoridad sa mga CCTV sa lugar upang matukoy ang salarin. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News