Nagtamo ng mga sugat ang isang babae na maghahatid sana ng mga tinahing school uniform matapos siyang pagsasaksakin ng isang lalaking kaniyang nakasalubong sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes, mapapanood sa CCTV footage ang pagtawid ng 51-anyos na babae sa Aguinaldo Highway.

Nagtungo ang babae sa sidewalk, hanggang sa may makasalubong siyang isang lalaki na bigla na lamang siyang pinagsasaksak.

Matapos ang krimen, dire-diretso lamang na naglakad ang lalaki.

Nagawang makabangon ang biktima upang humingi ng tulong ngunit agad din siyang natumba.

Sa isa pang kuha ng CCTV, naharang ng mga traffic enforcer ang lalaki.

Lumabas sa pag-iimbestiga ng pulisya na maghahatid sana ng mga tinahing school uniform ang biktima nang maganap ang insidente.

Nagpapagaling na ang biktima sa ospital, samantalang inihahanda na ang reklamo laban sa suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News