Timbog ang isang lalaking senior citizen dahil sa mga expired niya umanong baril sa Barangay San Roque, Antipolo City.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes, sinabing kasama sa mga kinumpiska sa suspek ang isang shotgun, magnum revolver at mahigit 100 bala.
Paglabag sa Republic Act 10591 ang pagmamay-ari ng mga expired na lisensiya ng baril.
Naghihigpit sa kasalukuyan ang pulisya laban sa illegal possession of firearms bilang paghahanda sa Eleksyon 2025.
Dumepensa ang suspek na hindi niya naasikaso ang renewal ng kaniyang mga baril dulot ng COVID-19 pandemic.
"'Yung baril kasi nag-expire noong 2019, pandemic, hindi ko nai-renew. Pero lahat ng nahuli sa akin, may papeles," sabi ng suspek.
Samantala sa Barangay San Jose sa Antipolo pa rin, inaresto ang dalawang lalaki dahil sa kasong pagnanakaw sa isang tricycle driver.
Nangyari ang insidente sa Sitio Hillside sa Barangay San Isidro hatinggabi ng Hulyo 19.
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang driver at tinangay ang P1,200 na kita nito sa pamamasada.
Kinilala ng mga biktima ang mga nangholdap sa kaniya.
Nabawi ang isang patalim at tatlong bala sa mga suspek, na hawak na ng mga pulisya at nahaharap sa inquest proceedings para sa kasong robbery.
Hindi sila nagbigay ng pahayag. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News