Patay ang isang rider, habang sugatan naman ang isa pa nang magsalpukan ang mga motorsiklo na kanilang sinasakyan sa Diffun, Quirino.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente noong Biyernes ng gabi sa Barangay San Antonio.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng isang rider sa palikong bahagi ng kalsada at nakasalpukan niya ang rider na kaniyang nakasalubong.

Parehong walang suot na helmet ang dalawang rider.

Desidido umano ang pamilya ng nasawing rider na kasuhan ang nakabanggaan ng kanilang kaanak.--FRJ, GMA Integrated News