Naaagnas at nakagapos nang matagpuan sa masukal na lugar sa Bay, Laguna ang katawan ng isang babae na isang buwan nang nawawala mula sa Quezon City.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dakong hatinggabi noong Biyernes nang natagpuan sa isang masukal na lugar sa Barangay Santa Cruz ang bangkay ng biktima na kinilala na ng kaniyang mga kamag-anak.

Ayon kay Police Major Ruffy Taduyo, hepe ng Bay Police Station, nakipag-ugnayan sa kanila ang National Bureau of Investigation kaugnay sa kaso ng nawawalang biktima mula pa noong June 10 sa Quezon City.

Nakagapos umano ang mga paa nang biktima nang matagpuan sa lugar na dating tapunan ng basura at walang masyadong nakatira dahil liblib at masukal ang lugar.

Matapos kilalanin na mga kaanak ang labi ng biktima, ipina-cremate na ito at dinala sa Quezon City.

Patuloy pa rin umano ng isinsagawang  imbestigasyon sa pangunguna ng NBI.--FRJ, GMA Integrated News